MANILA, Philippines - Sa kabila ng paglambot ng kanilang depensa sa third set, nakuha pa rin ng Lady Stags ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa Group A sa 7th Shakey’s V-League volleyball tournament.
Tinalo ng San Sebastian College-Recoletos ang University of St. La Salle, 25-12, 25-14, 20-25, 25-17, patungo sa pagmartsa sa quarterfinal round kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Thai Import Jeng Bualee ng 27 hits, kasama rito ang 24 kills, upang pangunahan ang San Sebastian kasunod ang 15 at 13 puntos nina Joy Benito at guest player Suzanne Roces, ayon sa pagkakasunod.
“I didn’t like the way they played in the third set,” ani coach Roger Gorayeb sa panlalamya ng kanyang Lady Stags sa nasabing yugto kung saan sila iniwanan ng Lady Stingers ng 10 puntos, 24-14 mula kina Princess Pido, Michelle Laborte at Patty Orendain.
Sa pamamayani nina Bualee at Benito, kinuha ng San Sebastian ang 19-11 abante laban sa USLS papunta sa kanilang panalo.
“Even if we beat them in our next game we will accomplish nothing. It will only put more pressure on us,” ani Gorayeb sa pagsagupa ng kanyang Lady Stags sa nagdedepensang University of Sto. Tomas Tigresses.
Umiskor si Laborte ng 10 puntos para sa Lady Stingers, habang may pinagsama namang 24 sina Sheryl Denila, Orendan at Pido.