Irish Rider Kampeon
SUBIC , Philippines --Sa karerang napahirapan ang mga siklista, lumutang uli ang husay ni David McCann ng Great Asia Riding Team upang mapagharian niya ang ikaapat at huling yugto at selyuhan ang pagdodomina sa 2010 Le Tour de Filipinas na nagtapos kahapon dito.
Kinatampukan ang rutang nasukat sa 119-kilometrong distansya na kinapalooban ng dalawang mahirap na akyatin at pinatindi ng mainit na panahon, lumutang ang galing ni McCann ng mapagharian niya ito para kumpletuhin ang magandang ipinakita sa karerang inorganisa ng Dynamic Outsource Solution Inc. (DOS-I) at handog ng Tanduay sa tulong ng Smart at Air21.
Katuwang si German Sascha Damrow ng Germany at kabilang ng Team Colossi, humabol sila sa pitong kataong lead pack sa pagbaba sa unang ahunan sa boundary ng Bagac at Morong sa Bataan at mula rito ay inunti-unti ang paglayo.
Pagpasok sa huling limang kilometro ng karera, hinigitan ni McCann ang pagpedal laban sa mahusay sa patag na si Damrow upang masolo ang pagtawid sa meta tungo sa ikalawang lap win sa apat na yugtong karera.
Ang Irish rider na may pinakamagandang kredensyal sa lahat ng mga dayuhang lumahok at si Damrow na naorasan ng identical clockings na 3 oras, 24 minuto at 21 segundo ay nakatulong sa 37-anyos, 6’4, tubong Belfast, Ireland rider na makalikom ng kabuuang 11:29:20 sa pagtahak sa 488-kilometrong karera.
Kinumpleto ni McCann ang pagdodomina sa karera dahil siya rin ang lumabas na Sprint King sa nalikom na 35 puntos at King of the Mountain sa 14 puntos.
Lumabas na pinakamahusay na Filipino rider sa karerang ito ay si Santy Barnachea ng Extra Joss na tumapos sa pang-anim na puwesto sa 3:26:53 tiyempo.
Pero sa overall individual race, si Lloyd Lucien Reynante ng 7-Eleven na tumapos sa pang-14 na 3:53 kapos kay McCann, ang pumangalawa sa 11:36:05 tiyempo o 6:45 napag-iwanan.
Ngunit si Reynante ang lumabas na pinakamahusay na Filipino rider nang talunin nito si Baler Ravina ng American Vinyl nang kapusin ito ng dalawang segundo sa naitalang 11:36:07.
Ibinandera naman ni Irish Valenzuela ang laban kontra sa mga dayuhan dahil ang siklistang kasali sa American Vinyl ang lumabas bilang Young Rider sa kinuhang 11:37:53 oras o 9 segundong mas mabilis sa South African at Team DCM na si Jaques Janse Van Rensburg.
Nakapagpasikat din ang Smart team sa pamumuno ni Tomas Martinez na tumapos sa pangpito kahapon upang tulungan ang koponan na mapangunahan ang team competition sa 10:23:36.
Hindi naman nakaporma ang American Vinyl at ito ang nagtulak sa Smart para mapagharian ang Team Classification na may 34:58:13 o 4:23 angat sa dating nangunguna pero kinapos na American Vinyl (35:02:36).
- Latest
- Trending