Alcano handa na sa Asiad pero...
MANILA, Philippines - Matapos ang masinsinang usapan, balak uling isuot ang Pambansang uniporme ni Ronato Alcano para sa nalalapit na 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Ayon kay Perry Mariano ng Bugsy Promotions at may hawak kay Alcano, nagkausap sila ng dating double World 8-ball at 9-ball champion upang pansamantalang isantabi ang hangaring lisanin ang bansa para magturo sa Middle East.
“Kinausap ko na huwag muna umalis at antayin na lamang ang pagpasok ng bagong administrasyon baka magkaroon ng pamamalakad sa sports. Kung wala ay di go na sila, nakinig naman siya,” wika ni Mariano.
Si Alcano na nanalo sa 8-ball sa 2009 Laos SEA Games ay isa sa mga sinasabing puwedeng maghatid ng ginto sa Asiad dahil sa naipakitang husay mula sa SEA, Asian at World level competition.
“Ready at confident ako. Sana ay mabigyan pa ako ng pagkakataon na makalaro para sa bansa,” pahayag nga ng tubong Calamba, Laguna na bilyarista.
Si Alcano ay isa sa mga bigating cue-artist na sasalang sa isinasagawang tryouts ng BSCP sa pamumuno ni Arturo “Bong” Ilagan.
Bukod kay Alcano sina Dennis Orcullo at Roberto Gomez ay kalahok din sa tryouts na hinahawakan nina Efren “Bata” Reyes at Boyet Asonto at magpapatuloy ngayon sa Rizal Memorial Billiards Center.
Ang manlalarong nasa tamang kondisyon matapos ang serye ng tryouts ang mapapabilang sa ilalaban sa 8-ball at 9-ball men’s events.
- Latest
- Trending