Nuñez maayos na ang kalagayan

MANILA, Philippines - Maayos naman ang ka­­­lagayan ni Ricardo Nu­ñez ng Panama matapos lumasap ng hirap sa gintong kamao ni Filipino boxer Drian Francisco nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Dalawang beses na bu­mulagta sa first round si Nuñez bago tinapos ni Francisco ang sagupaan may 2:52 sa fifth round nang muling tumumba ang dayuhang katunggali sa isang pamatay na kaliwa ni Francisco.

Matapos ang laban ay isinugod si Nuñez sa Me­dical City upang suriin at matapos isagawa ang CT scan ay lumabas na walang masamang epekto ang tinamong ma­lalakas na suntok sa ulo ng bisita.

Ang panalo ni Francisco ay kanyang ika-19 bukod sa isang tabla at si Nuñez ang ika-15 boksingero na hindi nakatapos sa kanyang kamao.

Ikalawang sunod na malaking panalo rin ito para kay Francisco matapos din ang isang 10th round TKO panalo laban kay Roberto Vasquez no­ong nakaraang Oktubre sa Cuneta Astrodome.

Ang laban ay isang WBA super flyweight title eliminator at si Francisco ngayon ang lalabas na mandatory challenger sa titulong kasalukuyang pi­nagsasaluhan nina Nobuo Nashiro ng Japan at Vic Darchinyan ng Armenia.

Si Nashiro ay magde­depensa sa kanyang titulo sa Mayo 8 sa Japan laban kay Fidel Hugo Cazares at kung sino ang mananalo rito ang siyang sunod na makakalaban ni Francisco dahil ito ang napagkasun­duan ng kanyang promo­ter na si Ed Anuran at WBA president Gilberto Mendoza.  

Show comments