Francisco-Nuñez magkakasukatan ngayon
MANILA, Philippines - Higitan ang naipakitang panalo nang nakalaban ang isang dahilan ang nasa isip ngayon ni Drian Francisco sa pagsabak niya laban kay Ricardo Nuñez ng Panama para sa WBA title eliminator sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Tampok na sagupaan ang nasabing laban at tiyak na masusukat si Francisco kay Nuñez na hindi biru-birong kalaban.
Nakataya sa mananalo ang maging mandatory challenger sa WBA champions na ngayon ay pinagsaluhan nina Noubo Nashiro at Vic Darchinyan.
“Mahalaga itong laban na ito dahil kung manalo ako ay mabibigyan ng katuparan ang pangarap ko na maging world champion,” wika ni Francisco na tinaguriang Gintong Kamao at may ring record na 18 panalo at isang tabla bukod sa 14 KO.
Huling lumaban si Francisco laban sa isang dayuhan ay kontra kay Roberto Vasquez na kanyang hiniya sa pamamagitan ng 10th round TKO panalo noong Oktubre sa Cuneta Astrodome.
Bigating kalaban si Nuñez na mayroong 17 panalo at isang talo bukod sa 15 KO. Huling talo nga nito ay noon pang Marso, 2008, at nakapaglubid na siya ng pitong panalo at anim nga rito ay nakuha sa pamamagitan ng knockout.
Kung may isang bagay na maaaring gamitin ni Francisco, ito’y ang suporta ng mga manonood dahil unang laban ito ni Nuñez sa labas ng Panama.
Wala naman naging problema sa timbang ng dalawa sa weigh-in kahapon dahil sa 115-pounds tumimbang ang dalawang magtatagisan sa main event.
- Latest
- Trending