MANILA, Philippines - Ang mga dayuhang koponan na susukat sa husay ng mga local teams sa 2010 Le Tour de Filipinas (Tour of the Philippines) ay dumating na sa bansa.
Ang Shimano ng Japan, Snow Leopard ng Mongolia, DCM ng South Africa, OCBC ng Singapore, CCN Sportswear Colossi ng Hong Kong at Giant Asia Racing Team ay lumapag sa bansa kahapon upang magkaroon ng kaunting pagkakataon na mapag-aralan ang ruta ng Tour.
Apat na yugto lamang ang itatakbo ng Tour na inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions Inc. at handog ng Tanduay katuwang ang Smart at Air21.
Ang Team Vali ASR Kerman ng Iran ay kasali rin sana pero hindi na tumuloy nang magkaroon sila ng problema sa visa sa siklista.
Ibabandera naman ang Pilipinas ng mga koponan ng Tanduay, Smart, Air21, Extra Joss, Team Pilipinas na dating Batang Tagaytay, American Vinyl, Wow Videoke, Camsur Sports Complex at Camsur Lagos del Rey.
Magsisimula ang karera sa Sabado sa pamamagitan ng Tagaytay-Tagaytay ruta at kinabukasan naman ay lilipat sa Roxas Boulevard para sa Circuit race.
Ang stage three sa Lunes ay sisimulan sa Quezon City at matatapos sa Subic habang ang huling yugto ay Subic-to-Subic na karera.
Lalabas ang Le Tour de Filipinas bilang kaauna-unahang Tour sa huling 10 taon na binigyan ng pagkilala at basbas ng international federation na UCI matapos itong bigyan ng 2.2 klasipikasyon.