Pacquiao-Mayweather Jr. malabong mag-krus ang landas
MANILA, Philippines - Malabong magkrus ang landas nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa taong ito.
Ito’y kung pangangatawanan ni Mayweather ang ipinahayag na mas gusto niyang bigyan ng rematch si Mosley kung talunin niya ito sa sagupaang magaganap sa May 1.
“If Shane Mosley wants a rematch, I’ll give him a rematch. After this, if Pacquiao want it, he can get it too,” wika ni Mayweather nang isagawa ang press conference sa kanilang laban sa MGM Grand Arena.
Nakasaad sa kontrata ng nasabing laban ang pagkakaroon ng rematch clause at hindi aatras sa usapan si Mayweather na magreresulta upang hindi pa rin matuloy ang kinasasabikang sagupaan nila ni Pacquiao.
Pero hindi mawawalan ng matinding kalaban ang Pambansang kamao kung gugustuhin nito dahil ang kasalukuyang WBC welterweight champion na si Andre Berto ay nagpahayag ng hangaring masukat ang husay ng kasalukuyang WBO champion at pound for pound king.
Ang manager ni Berto na si Lou DiBella ang nagsabing handa nilang labanan si Pacquiao kung nanaisin nito matapos makita ang alaga na humirit ng eight round TKO panalo laban kay Carlos Quintana nitong April 10 sa Florida, USA.
“Now we want Manny Pacquiao. Whenever Manny wants to fight us, we are ready,” tila paghahamon ni DiBella.
Si Berto na hindi pa natatalo sa 26 laban sa 147-pound division kasama ang 20 KO ay sabik ding makasukatan si Pacquiao na sa ngayon ay abala sa pangangampanya sa Sarangani para maging kanilang kinatawan kung lulusot sa pambansang halalan sa Mayo 10.
“It would be a great showdown because Pacquiao has never had to deal with my type of speed and power combined,” banggit ni Berto na hari ng WBC mula pa noong Hunyo, 2008.
Kumpara sa ibang nakaharap na ni Pacquiao, ipinagmalaki ni Berto na iba ang kombinasyong kanyang maipamamalas kapag nagkrus ang kanilang landas sa posibleng unification fight sa WBC at WBO.
Wala naman sa listahan ng posibleng kalaban ni Manny si Berto dahil inililinya ni Bob Arum ng Top Rank sina Mayweather, Antonio Margarito at Juan Manuel Marquez bilang posibleng katunggali.
Pero kung hindi matuloy ang mega fight ni Mayweather, habang si Margarito ay hindi pa nabibigyan ng lubusang lisensya na lumaban at si Marquez ay maaaring hindi kagatin ng manonood matapos ilampaso siya ni Mayweather, ang laban kontra kay Berto ay maaaring matuloy lalo nga’t ito ang posibleng magbigay ng mas magandang kita kung sa venue at Pay Per View ang pag-uusapan.
- Latest
- Trending