Ubos ang Pinoy cue artists
MANILA, Philippines - Pinigil ni Russian Rustan Chinakhov ang pananalasa ni Jeffrey ‘The Bull’ de Luna matapos na pasarguhin ang Pinoy sa iskor na 10-5, sinilat naman ni Karl Boyes ng Great Britain ang giant-killer na si Venancio ‘Tukao’ Tanio, 10-5 at isa pang Briton--si Darren Appleton ang humiya sa snooker specialist na si Joven Alba, 10-8 nitong Biyernes ng gabi upang kumpletuhin ang pagbokya sa huling pag-asa ng Filipino sa Etisalat WPA World 8-Ball Pool Championship 2010 sa Fujairah Tennis Club sa Fujairah, United Arab Emirates.
Ang pagkakasibak ng tatlo ang siyang tumapos sa kampanya ng Filipinos na magandang pagtatapos sa first World Championship ngayong taon.
Matatandaan na pinuwestuhan nina Hall of Famer Efren “Bata” Reyes, Marlon “Marvelous” Manalo, Francisco “Django” Bustamante at Alex “The Lion” Pagulayan ang 1, 2, 3 at 4 position na kumumpleto sa dominasyon ng Filipinos sa inagurasyon ng nasabing event noong 2005.
Makalipas ang dalawang taong (2007), sina Ronato ‘Volcano’ Alcano at Dennis “Robocop” Orcullo kumuha naman ng 1-2 position.
Samantala, all-European ang magaganap na Finals makaraang matalo si reigning World 8-ball champion Souquet 10-9, sa round-of-16, pinayuko naman ni Niels “The Terminator” Feijen ng the Netherlands si Andreas Roshkowski ng Germany,10-6, sa round-of-8 at si Appleton,10-6, sa round-of-4 upang isaayos ang kanilang titular showdown kontra kay Boyes.
Naunang tinalo ni Boyes si Stephan Cohen ng France, 10-6 patungo sa semifinals ng torneong ito na unang idinaos sa mayamang bansa.
- Latest
- Trending