MANILA, Philippines - Payag ang Equestrian Association of the Philippines (EAP) sa pamumuno ni Carissa Coscolluela na bigyan pa ng mas malawak na papel si Jose “Peping” Cojuangco Jr. kung tatanggapin nito ang alok na chairmanship ng samahan.
Sa pagdalo kahapon nina EAP secretary-general Mitos Belofsky at treasurer at corporate secretary Tata Montilla sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, sinabi ni Belofsky na handa silang bigyan din ng voting power si Cojuangco bukod pa sa pagtatalaga sa kanya bilang kinatawan sa mga meetings ng international federation (FEI) basta lamang matapos na ang gusot sa liderato ng asosasyon.
“Walang chairmanship sa EAP pero puwedeng gawin ang posisyong ito sa pagsang-ayon ng EAP board. Payag lahat na gawin si Mr. Cojuangco bilang chairman na may voting power at siya ring ang aming magiging kinatawan sa POC at kahit sa FEI tanggapin lamang niya ang alok na ito,” wika ni Belofsky.
Nanalo si Coscolluela sa isang eleksyon nitong Marso 31 na ipinag-utos ng Makati Regional Trial Court pero hindi ito kinikilala ni Cojuangco na humingi na ng klaripikasyon sa ipinalabas na kautusan mula sa nasabing korte.
Nais ng kampo ni Coscolluela na maayos na ang problema upang maisulong ang sport na unti-unti ng namamatay dala ng kawalan ng programa sapul nang naupo si Cojuangco bilang pangulo noong 2005.