Salmons iginiya ang Bucks sa playoffs
CHICAGO — Maaari na ngayong makahinga ng maluwag si John Salmons at ang Milwaukee Bucks.
Nakapasok ang mga Bucks sa NBA playoffs.
Umiskor si Salmons ng 26 upang igiya ang Milwaukee sa 79-74 panalo sa Chicago Bulls at sikwatin ang isang postseason spot.
Naglaro sa unang pagkakataon matapos magkaroon ng injury si center Andrew Bogut, bumawi ang Bucks sa isang malamyang simula para sa ka nilang unang playoff berth matapos ang apat na taon.
Katabla ng Milwaukee ang Miami sa fifth place sa NBA Eastern Conference.
“We got that out of the way. We’re in there. It feels good to clinch a spot,” wika ni Salmons. “We didn’t score a lot of points tonight, but we got the job done.”
Nasa ilalim naman ng Toronto ang Chicago para sa pang walo at huling playoff spot sa Eastern Conference.
Tumipa si Ersan Ilyasova ng 17 marka para sa Bucks kasunod ang 13 ni Luke Ridnour.
“We kind of eased our way into the game defensively and then we got it going,” wika ni Bucks coach Scott Skiles. “We created some turnovers and that got us going in the first half.”
Matapos matunaw ang itinayo nilang 12-point lead sa third quarter, itinabla ni Salmons ang Bucks sa 65-65 mula sa kanyang dalawang freethrows.
Sinundan ito ng isang dunk ni Ilyasova at jumper pa ni Salmons para ibigay sa Milwaukee ang 69-65 abante kontra Bulls.
Sa Cleveland, tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Toronto Raptors, 113-101, na nagpalabo ng kanilang tsansa sa playoff.
Nawala sa laro si Chris Bosh sa Raptors dahilan sa nabasag na buto sa mukha.
- Latest
- Trending