MANILA, Philippines – Makakatiyak ang Pilipinas ng pantay na trato sa officiating sa swimming events sa 16th Asian Games.
Ito’y matapos mapili ang tatlong Philippine Amateur Swimming Association (PASA) technical officials upang mag-officiate sa nasabing kompetisyon sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ang mga napili ng Asia Swimming Federation ay sina Louie Mangahis sa water polo, Marie Dimanche sa diving at Leo Sanchez sa swimming events.
Ang tatlong ito ay nirerespeto sa komunidad ng Philippine swimming at ang kanilang malawak na karanasan ay makakatulong upang matiyak na magiging maayos ang pamamalakad sa nasabing mga events sa Asiad.
Ibabandera ni swimmer Miguel Molina ang delegasyon ng bansa sa kompetisyon sa hangaring makasikwat ng medalya laban sa mga bigating katunggali sa Asian region.
Tanging sa pool events lamang posibleng sumali ang Pilipinas dahil ang mga manlalaro sa diving at water polo ay nangangailangan pa ng justification para mapabilang sa bubuuing Pambansang delegasyon.