MANILA, Philippines - Minalas na natapilok si Jeson Patrombon upang maapektuhan ang ipinakitang laro laban kay Japanese qualifier Rikuto Furuta para isuko ang 6-2, 6-2, sa Dunlop Japan Open Junior Championships 2010 Finals kahapon sa carpet courts sa Nagoya, Japan.
Natapilok si Patrombon nang tangkain na habulin ang malakas na return na ginawa ni Furuta sa unang mga tagpo sa first set.
May benda rin ang kanang sakong nang matapilok din sa laro sa quarterfinals, kinapitalisa agad ng manlalaro ng host country ang sitwasyon para sa kanyang pabor upang makuha ang panalo at ang titulo sa torneo.
Bigo man ay taas-noo naman nilisan ng 17-anyos, fifth seed sa torneo, ang court dahil lalabas din siya bilang kauna-unahang Filipino netter na umabante sa Finals.
Narating ni Patrombon ang huling yugto nang talunin nito sa semifinals si Korean Lee Jae Moon ng Korea, 6-3, 6-3, habang si Furuta, na pinagpahinga ang second seed na si Ben McLachlan ng New Zealand sa quarterfinals, ay nanalo sa kababayang si Hikaru Oshiro, 6-3, 3-6, 6-3.
Ito ang ikaanim na Grade I event na sinalihan na ni Patrombon sa taong ito at nabura niya ang dating pinakamagandang pagtatapos na nangyari sa Thailand at Malaysia nang makapasok ito sa semifinals.
Nakapasok din si Patrombon sa semifinals sa boys doubles nang ang tambalan nila ni Jarryd Chaplin ng Australia ay nanalo kina Lee at Eisuke Watanuki ng Japan, 7-6 (1), 7-6 (5).
Pero nagkaroon ng injury si Chaplin sa nasabing laban dahilan upang hindi na makayanang makalaro sa semifinals kontra sa top seeds na sina Ben Wagland ng Australia at John Morrissey ng Ireland para ma-default.
Ang magandang ipinakita ni Patrombon ay tiyak namang makakatulong upang tumaas ito sa kasalukuyang 69th ranking sa mundo. Nakalikom ng 100 puntos si Patrombon sa pagkapasok sa Finals at inaasahang uusad ito sa Top 40 sa juniors.
Kailangan na lamang na mapanatili pa nito ang kinalulugaran upang maimbitahan sa 1st Youth Olympic Games sa Singapore sa Agosto na katatampukan ng paglalaro ng top 50 junior players matapos ang buwan ng Mayo. (Angeline Tan)