Orcollo, Alcano babandera sa RP sa UAE tilt
MANILA, Philippines - Pitong pambatong bilyarista ng bansa ang magtatangkang bigyan ng karangalan uli ang Pilipinas sa Etisalat World 8-ball Pool Championships na gagawin mula Abril 4 hanggang 10 sa Fujairah Tennis Club, Fujairah, United Arab Emirates.
Ang mga inimbitahan na maglaro ay sina Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Efren “Bata” Reyes, Francisco Bustamante, Alex Pagulayan, Marlon Manalo at Lee Van Corteza.
Sa mga manlalarong ito, si Alcano ang huling nanalo sa kompetisyon nang mapagharian ito noong 2007 laban sa kababayang si Orcollo.
Nabigo naman ang tubong Calamba, Laguna na maidepensa ang titulo nang matalo ito kay Ralf Souquet ng Germany sa finals noong 2008.
Hindi naman basta basta bibigay sina Reyes at Bustamante dahil kinakikitaan sila ng magandang paglalaro sa mga nagdaang torneo.
Si Reyes ang may pinakamalaking kinita na sa hanay ng mga bilyarista ng bansa matapos dominahin ang Derby City Classics habang si Bustamante ay sariwa sa pagkapanalo sa Japan Open at tinalo nito ang kanyang kumpadre na si Reyes.
Aabot sa 64 ang manlalarong lalaro sa Group Stage at ang tatanghaling kampeon matapos ang torneo ay magbibitbit ng $100,000 unang gantimpala.
Hindi biro ang mga kasali sa torneo dahil ang mga tinitingala sa sport mula sa Europe at USA ay dumadayo rin dahil sa laki ng premyong nakataya.
Si Souquet ay inaasahang sasali bukod pa kina Mika Immonen ng Finland, Darren Appleton ng England, Thorsten Hohmann ng Germany, Niels Feijen ng Netherlands, Marcus Chamat ng Sweden at Karl Boys ng United Kingdom.
- Latest
- Trending