MANILA, Philippines - Makikilatis ang mga batang boksingero na siyang sasandalan sa inaasahang karangalan sa larangan ng boxing sa Asian Games sa Nobyembre sa Guangzhou, China.
Dalawang koponan ang ipadadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa dalawang malalaking kompetisyon sa China at Thailand na siyang gagamiting bahagi ng preparasyon ng bansa para sa Asian Games.
Pitong boksingero na sina light flyweight Gerson Nietes, flyweight Rey Saludar, bantamweight Aston Francis Palicte, featherweight Charly Suarez, light welterweight Jameboy Vicera, light welterweight Mark John Rey Melligen at welterweight Wilfredo Lopez ang siyang ipadadala sa China Open na sasambulat mula Abril 3 hanggang 11 sa Guiyang, China.
Mauuna namang ilaban ang tatlong boksingero na sina light flyweight Crisanto Godaren, flyweight Victorio Saludar at featherweight Jhergigs Chavez sa 32nd King’s Cup sa Bangkok, Thailand mula Abril 1 hanggang 8.
Maliban kay Suarez na isang gold medalist sa idinaos na 2009 Laos SEA Games at Lopez, ang ibang mga kasapi ay mga bagito o nasa ikalawang paglahok lamang sa malakihang kompetisyon. (Angeline Tan)