Demanda ni Pacquiao ipinababasura
MANILA, Philippines - Habang abala sa kanyang pangangampanya si Manny Pacquiao sa Sarangani, tahimik namang kumilos ang Golden Boy Promotions kaugnay sa isinampang kaso laban sa kanila ng Filipino boxing superstar.
Nagsampa kahapon ng motion to dismiss ang Golden Boy sa pamamagitan ng kanilang counsels ukol sa reklamong defamation ni Pacquiao kina Richard Schaefer at Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions.
Sinampahan ni Pacquiao ng kaso sina Schaefer at Dela Hoya sa Federal District Court sa Nevada noong Disyembre 30, 2009.
Ito ay bunga ng pagkakalat ng Golden Boy Promotions, kasama sina Floyd Mayweather Jr., Floyd Mayweather Sr. at Roger Mayweather, na gumagamit umano si Pacquiao ng ‘performance-enhancing drugs’ (PED) sa tuwing may laban ito.
Ang nasabi namang motion to dismiss ay para lamang kina Schaefer at Dela Hoya at hindi sa mga Mayweathers.
Kinuha ni Schaefer si Atty. Judd Burstein para sa kanyang pagdedepensa laban sa isinampang kaso ni Pacquiao.
Si Burstien ang naging legal counsel ni Pacquiao nang magsampa ito ng kaso laban sa dati niyang promoter na si Murad Muhammad noong 2005.
Sa kanilang posisyon, nilinaw ng Golden Boy Promotions na isang opinyon lamang ang kanilang pahayag ukol sa posibleng paggamit ni Pacquiao ng PED dahil sa pag-ayaw nitong sumailalim sa ipinipilit ni Mayweather na pagsailalim nila sa isang random blood testing o Olympic-style drug testing ng United States Anti-Doping Agency.
Sinabi ng kampo ni “Pacman” na hindi sila papayag sa isang blood testing na hindi pamamahalaan ng Nevada State Athletic Commission na naging dahilan ng pagbagsak ng negosasyon ng Golden Boy at Top Rank Promotions.
Humihingi si Pacquiao ng damages na $5,000,000. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending