MANILA, Philippines - Matapos magretiro sa Philippine Basketball Association, wala nang masyadong narinig pa mula kay Ato Agustin.
Hanggang ibigay sa kanya ng San Sebastian College-Recoletos na hawakan ang mga Stags matapos bumaba sa puwesto si Jorge Gallent noong 2009.
Bilang isang rookie coach iginiya ni Agustin, tinanghal na PBA Most Valuable Player noong 1992 bilang shooting guard ng San Miguel, ang San Sebastian sa kampeonato ng 85th NCAA season laban sa three-peat champions San Beda College.
Matapos ito, naghari naman ang mga Stags sa 2010 CHED National Games.
Kinumpleto ni Agustin ang kanyang ‘Grand Slam’ nang ihatid ang baguhang Excelroof sa korona ng katatapos na 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup mula sa pagwalis sa Pharex B Complex sa kanilang best-of-three championship series.
Kinuha ng 25ers ang Game One, 97-87, via overtime noong Huwebes, at inangkin ang Game Two, 97-92, noong Sabado kontra Fighting Maroons.
“I really trusted my players,” wika ng 46-anyos na si Agustin sa kanyang mga 25ers.”I had confidence on every player I fielded.”
Ang Excelroof ang unang koponan na nagkampeon sa kanilang unang PBL conference sapul noong 1995.
“That’s make this victory doubly meaningful for us. This is indeed a big break for me and I have to thank the owners of Excelroof, led by Mr. Edwin C. Chua, team manager Oliver Gianan and the rest of our supporters, including my provincemates who came here to provide morale support to the team,” ani Agustin.
Sinandalan ng Excelroof sina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Pamboy Raymundo, Ian Sangalang, Gilbert Bulawan at Chester Taylor upang maisubi ang kanilang unang PBL title.
Tinanghal ang 6-foot-2 power forward na si Abueva na Finals MVP matapos kumolekta ng 22 puntos,16 rito ay kanyang hinugot sa second half, at 12 rebounds.
Kung may naging ‘motivation’ man ang mga 25ers, ito ay ang tinatawag na ‘BEST’ ni Agustin.
“BEST stands for Believe in yourself, Encourage, Share and Trust,” sabi ni Gianan. “I noticed kasi na medyo malamya sila ng matalo sila ng Pharex sa elims, pero ang tingin that time para akala kasi nila invincible na sila.”
“When I shared to them the true meaning of BEST, some almost cried, and Ato took that to heart and he was glad his players changed a lot.”
Bago angkinin ang korona, dalawang beses munang tinalo ng No.3 Excelroof ang No. 2 Cobra Energy Drink, habang agad namang sinibak ng No. 1 Pharex ang No. 4 Cossack Blue sa Final Four.
Kapwa nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ incentive ang Fighting Maroons at ang Ironmen.