Pharex vs Excelroof sa PBL finals
MANILA, Philippines - Ang 25ers ang siya nang makakasagupa ng Fighting maroons para sa best-of-three championship series.
Ito ay matapos muling talunin ng Excelroof ang Cobra Energy Drink, 81-75, sa kanilang ‘sudden-death’ match sa Final Four ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup kahapon sa San Juan gym.
Humugot si 6-foot-2 forward Calvin Abueva ng 13 sa kanyang 17 puntos sa fourth quarter upang akayin ang 25ers sa ikalawang sunod na paggupo sa Ironmen, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four bilang No. 2 team.
Sisimulan ng Excelroof at Pharex ang kanilang titular showdown bukas sa ganap na alas-3 ng hapon sa The Arena sa San Juan.
Isang three-point play ni Abueva kay Marvin Hayes ang nagbigay sa 25ers ng 78-75 abante sa huling 41.7 segundo kasunod ang mintis na tres ni Jai Reyes sa posesyon ng Ironmen.
Matapos supalpalin ang muling tangkang tres ni Reyes, nakahugot naman ng foul si Abueva kay Mark Fampulme sa natitirang 18 segundo para sa kanyang dalawang freethrows at ibigay sa Excelroof ang 80-75 abante sa Cobra. (RCadayona)
Excelroof 81 - Aquino 19, Abueva 17, Raymundo 11, Sangalang 11, Bulawan 8, Paacual 4, Mendoza 3, Celada 3, del Rio 2, Taylor 2.
Cobra 75 - Lee 19, Reyes 16, Cabahug 13, Fampulme 9, Llagas 7, Sarangay 3, Aguilar 2, Torres 2, Mangahas 2, Barua 2, Hayes 0.
Quarterscores: 18-15; 34-32; 53-55; 81-75.
- Latest
- Trending