3 RP swimmers lalangoy sa ginto
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang ipinakikita ng Pambansang manlalangoy sa Singapore National Age Group Swimming Championships nang umabante sa finals ang tatlong pambato ng bansa kahapon.
Si Jose Joaquin Gonzales, Jasmine Alkhaldi at Jessie Lacuna ay nagtala ng mga impresibong oras sa nilahukang boys 200m back, 100m girls free at 100m boys free para mapasama sa finalist na naglaban sa medalya kagabi.
Higit sa pag-usad sa championship round, ang tatlong manlalangoy na ito ay nahigitan din ang B standard na itinakda ng FINA para magkaroon ng pagkakataong makasali sa Youth Olympic Games.
Si Gonzales ay nagtala ng 2:09.19 sa kanya ng event para mahigitan ang 2:10.11 na B standard. Pangalawang best time ito sa heats at ang inaasahang makakalaban para sa ginto ay si Hidetaka Okura ng Japan na may 2:07.32.
May naiambag na si Gonzales na bronze medal na nakuha sa 100m backstroke.
Si Lacuna na bumura ng RP record sa 200m ay magtatangka sa kanyang ikatlong medalya at pangalawang ginto sa kabuuan.
Naghari si Lacuna sa 200m freestyle bago pumangalawa sa 400m free.
Namumuro ang 16-anyos na tubong Bulacan na manlalangoy dahil ang naitalang 52.39 segundo tiyempo ay best time sa heats kasunod ni Clement Lim ng host sa 53.06.
Ang oras ding ito ni Lacuna ay lampas sa B standard na 53.50 seconds.
- Latest
- Trending