MANILA, Philippines - Malabong maikasa ang labanang Manny Pacquiao at Sugar Shane Mosley sakaling manalo ang huli laban kay Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 1 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ilang ulit nang sinabi ni Mosley ang hangaring makasukatan ang Pambansang kamao na sariwa sa iniukit na one-sided unanimous decision laban kay Joshua Clottey nitong nagdaang Linggo sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Maganda rin man ang inaasahang kalalabasan sakaling magkrus ang landas nina Pacquiao at Mosley, mahirap naman itong mangyari ani ni Top Rank promoter Bob Arum.
“If Mosley wins, it is unlikely fight (Pacquiao) because Mayweather has a rematch clause in the contract. So any talk of Shane Mosley beating Mayweather and fighting Manny is a poppycock,” wika ni Arum sa panayam ng ESPN.
Nakikita ni Arum si Pacquiao na babalik sa ring sa bandang Nobyembre pa dahil nga sa pagsali ng Pambansang kamao sa eleksyon sa Mayo 10 kaya’t hindi muna niya minamadali ang paghahanap sa susunod na makakalaban nito.
Wala pa ring maiulat si Arum patungkol sa kinita ng Pacquiao-Clottey sa Pay Per View dahil hindi pa buong dumadating ang datos patungkol dito.
Ngunit tiniyak ni Arum na maganda ang kita sa nasabing laban ay hindi ito bababa sa 650,000 buys.
“We’re not giving out any numbers yet because we have very little info from the cable systems which you need. But the number that you can’t go any lower than is 650,000 for this fight. That is the worst it would do, but it should be a lot higher,” kumpiyansang pahayag pa ni Arum.
Sa huling laban ni Pacquiao kay Miguel Cotto noong Nobyembre ay pumalo sa 1.2 million buys na nagmula sa 650,000 buys sa cable, 600,000 buys sa satellite at 110,000 buys sa Puerto Rico na bansang sinilangan ni Cotto.
Samantala, isang grand welcome ang naghihintay kay Pacquiao sa kanyang pag-uwi sa bansa sa Lunes.