Pacquiao, Mayweather sa Inside Ringside

MANILA, Philippines - Matapos ang bakbakan sa Dallas, muling inaasam ng mga bo­xing fans hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na matutuloy na ang laban nina Manny “Pacman” Pacquiao at Floyd Mayweather.

Ito’y umaabot na sa sukdulan bunga ng mga pasaring ni May­weather bago at pagkatapos ng laban nina Pacquiao at Joshua Clottey.

Upang matighaw ang uhaw ng mga fan sa palitan ng pasa­ring at komentaryo nina Mayweather at Pacquiao, maglalabas ng panibagong special segment ang Inside Ringrside na tinawag na MEGAFIGHT - The Pacquiao-Mayweather Watch.

Ito’y naglalayong ihatid sa mga boxing fan ang lahat ng bagay patungkol sa posibleng paghaharap nina Pacquiao at Mayweather - buhat sa official statements, blogs, emails at text messages.

Nais ng MEGAFIGHT na sukatin ang “awareness” at “enthusiasm” ng Filipino fight fans sa “fight of the century.” Hinihikayat ng programa ang mga fan na magbigay ng kanilang pananaw at kuru-kuro hinggil dito.

Ang Inside Ringside, na kinatatampukan ng mga hosts na si­na Mon Liboro at Dennis Principe, ay umeere sa CAT Network Channel 8 sa mga cable stations sa kabuuan ng Luzon.

Show comments