Schaefer muling bubuksan ang negosasyon kay Arum matapos ang Mayweather-Mosley fight

MANILA, Philippines - Anuman ang mangyari sa Mayo 1 sa Las Vegas, si­nabi ni Golden Boy CEO Richard Schaefer na bukas pa rin siya para buha­yin ang negosasyon kay Top Rank chief Bob Arum para sa susunod na laban ni Manny Pacquiao.

Sa panayam ni boxing chronicler Michael Marley kay Schaefer, sinabi nitong makikipag-usap lamang siya kay Arum matapos ang banggaan nina Floyd Mayweather Jr. at Shane Mosley.

Sina Mayweather at Mosley ay nasa bakuran ng Golden Boy at kung si­nu­man ang mananalo ay maaring itapat kay Pac­­quiao, nagmula sa isang 12-round demolition kay Joshua Clottey sa Dallas.

“Come May 2, it’s a dif­­ferent story. Then we can talk about the May 1 winner fighing Pacquiao but not before. I will not talk about any other fight until that fight is over,” ani Schaefer .

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na kahit sino kina Mayweather at Mosley ay puwede niyang la­­banan bukod pa kay Ve­­nezuelan knockout ar­tist Edwin Valero na minamataan ni trainer Freddie Roach.

Ang Pacquiao-Mayweather megafight ang posibleng magbigay sa da­­lawa ng tig-$30 milyon.

Nguinit hindi pa tiyak kung makikipag-usap muli si Arum kay Schaefer.

Nainis si Arum kay Schaefer matapos alisin ang kanilang pulong ni Dallas Cowboys owner Jerry Jones para sa Pacquiao-Mayweather fight.

Bunga na rin ng drug-testing procedure na ipi­nipilit ni Maywewather ay nabulabog ang nego­sasyon nila ni Pac­quiao.

Ngunit kung maaagaw ni Mayweather ang hawak na WBA welterweight crown ni Mosley ang laban kay Pacquiao, ang WBO welterweight king, ang posibleng magtakda sa kani­lang unification fight. (Abac Cordero)

Show comments