Francisco kumpiyansa na mananalo kay Nuñez

MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Drian “Gintong Kamao” Francis­co sa tsansa nitong manalo laban kay Ricardo Nuñez kapag nagkrus na ang ka­nilang landas sa Abril 17 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang labanan nina Fran­cisco at Nuñez ay isang WBA super flyweight eliminator at ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na lumaban sa lehitimong ti­tulo sa susunod nitong ak­yat sa ring.

Ang nasabing laban ay naunang itinakda nitong Marso 14 pero ipinagpa­li­ban sa huling linggo ng bu­wang ito.

Ang pagkakaurong ng laban ay malugod namang tinanggap ni Francisco da­hil magagamit niya ang dagdag na oras para mas mapaghandaan ang kalaban.

 “Sanay naman na ako sa napo-postpone ang laban ko. Kaya ang magagawa ko ay mas makakapag-ensayo ako sa laban,” wika ng 27-anyos tubong Agoncillo, Batangas na boxer na may ring record na 18 panalo sa 19 laban kasama ang isang tabla.

Papasok siya sa sagupaan mula sa kagulat-gulat na 10th round technical knockout win laban sa beteranong si Roberto Vasquez noong Oktubre 3 sa Cuneta Astrodome.

Aminado si Francisco na hindi birong kalaban si Nunez matapos magkaroon ng 17 panalo at isang talo karta kasama ang 15 KO. (Luz M.Cons­tan­tino)

Show comments