Pagtuklas sa mga mahuhusay na manlalangoy ng bansa, mas paiigtingin ng PASA
MANILA, Philippines - Paiigtingin ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) ang pagtuklas ng mga mahuhusay na manlalangoy sa bansa sa pagpapalakas sa kalibre ng kanilang mga coaches.
Dadagsain ng coaching seminars ang mga coaches na kasapi ng bagong tatag na Aquatics Sports Coaches Association of the Philippines (ASCAP) bukod pa sa plano ng PASA na magpatayo ng Swimming Institute bago matapos ang taong ito.
“PASA’s other thrust for 2010 is the take major strides forward in coaches education,” wika ni Mark Joseph na pangulo ng PASA.
Ang ASCAP ay binigyan na ng SEC registration at sa hanay nito pagmumulan ang mga ipadadalang coaches sa mga seminars sa ibang bansa.
Kasama nga sa lalahukang seminars ng ASCAP ay ang World Swimming Coaches Association (WSCA) sa kalagitnaan ng buwan. May isasagawa ring clinic na pagtutulungang itaguyod ng PASA at world governing body na FINA sa Manila sa Hulyo at Disyembre na hahawakan ng mga mahuhusay na coaches mula US at Australia.
Mayroon ding Coach Certification seminar na gagawin sa Germany ang sasamahan ng PASA.
Ngunit ang tampok na plano ng PASA ay ang paglulunsad ng swimming institute na maisasagawa sa tulong ng isang malaking corporate sponsors na iaanunsyo ni Joseph sa hinaharap. Magkakaroon ng in-house foreign coach ang Institute na ang layunin ay pagyamanin pa ang kaalaman ng mga local coaches na kanila namang ipapasa sa mga tinuturuang local swimmers.
Ang malawakang coaching seminars ay napapanahon lalo pa’t kumilos na ang Philippine Sports Commission sa pagkukumpuni sa swimming pool sa Ultra upang maging Fina standard na swimming at diving pool na magpapalawak sa puwedeng gamitang pagsasanay ng mga pambatong manlalangoy at divers ng bansa. (ATan)
- Latest
- Trending