Reynante, Guevarra nabarahan sa Stage 6
MANILA, Philippines - Hindi na nakaporma pa sina Lloyd Lucien Reynante at Mark Sean Guevarra ng Roadbike Phils.-711 matapos pagtulungan ng kanilang mga kalaban sa sixth leg ng Binh Duong TV Cup Tour of Vietnam.
Umarangkada sina Reynante at Guevarra, ang 2009 Tour of Luzon champion, sa 134-km drive mula Tuy Hoa hanggang Na Thrang bago naunahan ng isang grupo sa huling kilometro patungo sa finish line.
“If the other teams did not gang up on Lloyd and Mark with a kilometer to go, we could have finished better,” wika ni team director Ric Rodriguez.
Tumapos si Reynante bilang 14th-placer, habang nasa 21st naman si Guevarra sa ilalim ng 18th-placer na si Mark Rhome Antonio mula sa magkakatulad nilang oras na 03:12:48.00 sa yugtong pinagharian ni leg winner Do Tuan Anh.
“Any way, we have a rest day on Monday. Bawi na lang tayo sa remaining three stages,” dagdag ni Rodriguez, kung saan ang biyahe ng RP riders ay sanctioned ng PhilCycling sa pangunguna ng pangulo nitong si Tagaytay Mayor Bambol Tolentino.
Sa kabila ng pagkakadulas sa overall standings ng 31-anyos na anak ni Tour legend Mawi Reynante, si Reynante pa rin ang tanging Filipino rider na lumalaban sa kanyang pagiging 17th-place (16:17.05) at 1:51 ang agwat kay Mongolian yellow jersey wearer Tuguldur Tuulkhangai (16:15.14).
Sina international rookies Antonio (16:18.19) at Cortez (16:18.29) ay nasa pang No. 27 at No. 29, ayon sa pagkakasunod.
Nanatili ang RP 7-11 riders sa No. 6 (39:13.11) at 4:46 ang distansya sa nangungunang Domesco Dong Thap (39:08.25) makaraan ang 6th Stage.
Maiksing 97-km ang susunod na Stage 7 na magmumula sa Phan Rang.
- Latest
- Trending