MANILA, Philippines - Nagpasiklab uli si Rohan Force ng Australia nang manalo sa 2nd leg ng SPEEDO National Age Group Triathlon Championship na idinaos kahapon sa Baywalk Park sa Queensland Compound, Davao City.
Mula sa simula hanggang sa natapos ang 1k swim, 30k bike at 7k run event na inorganisa ng Triathlon Association of Davao ay nagdomina ang 41-anyos na si Force para kunin ang ikalawang panalo sa triathlon event sa nasabing lugar.
May kabuuang isang oras, 35 minuto at pitong segundo si Force upang makuha ang tagumpay at maduplika ang panalong ginawa sa nasabing ruta sa 6th Mayor’s Cup noong nakaraang taon.
Nangibabaw naman sa kababaihan ang 16-anyos na si Mary Pauline Fornea na pinatotohanan ang paniniwala ng TRAP na may potensyal siya na kuminang sa endurance sport na ito matapos mapasama sa national training pool.
Naorasan si Fornea sa bilis na 2:09:21 upang maitala ang pinakamabilis na tiyempo sa kanyang hanay.
Si Fornea ay lilipad patungong Subic upang dumalo sa Training Camp bilang paghahanda rin sa inaasahang paglahok niya sa Asian Juniors at U-23 Championship sa Mayo 1 at 2 sa Subic Bay Freeport.