MANILA, Philippines - Muling ipinakita ni Jimbo Aquino kung bakit siya ang tinanghal na Finals Most Valuable Player sa nakaraang 85th NCAA season.
Tumipa si Aquino ng 19 puntos, habang itinala naman ni Marc Agustin ang kanyang kabuuang 6 marka sa final canto para ihatid ang Excelroof sa 89-82 panalo kontra Cossack Blue at angkinin ang ikalawang semifinals seat sa 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College gym sa Taft Avenue, Manila.
Kasalo ngayon ng 25ers ang semifinalist Pharex B Complex Fighting Maroons mula sa magkapareho nilang 5-1 rekord.
“Hindi bumigay ‘yung mga bata dahil alam nilang importante itong laro na ito,” wiika ni head coach Ato Agustin sa kanyang Excelroof. “At least tie na kami ng Pharex at magkakaalaman na kung sino ang magiging No. 1 sa semis.”
Nagdagdag naman si 6-foot-2 power forward Calvin Abueva ng 13 puntos at 14 rebounds para sa 25ers.
Matapos namang magtala ng matayog na 4-0 baraha, nahulog ang Spirits sa kanilang pangalawang sunod na kabiguan.
Pinangunahan ni pointguard Earn Saguindel ang Cossack mula sa kanyang personal-high 29 marka kasunod ang 13 ni James Martinez.
Humakot naman si 6’3 Jay-R Taganas ng 21 boards para sa Spirits.
Sa ikalawang laro, inilusot naman ng Cobra Energy Drink ang dramatikong 87-85 overtime victory laban sa sibak nang Ani-FCA.
Nagtuwang sina Paul Lee at Jai Reyes para sa pinagsama nilang 9 puntos sa kabuuang 12 ng Ironmen sa extra period kontra Cultivators.
Excelroof 89 - Aquino 19, Abueva 13, Bulawan 11, Raymundo 11, Sangalang 7, Mendoza 7, Agustin 6, Pascual 6, del Rio 4, Bagatsing 3, Delgado 2, Taylor 0.
Cossack Blue 82 - Saguindel 29, Martinez 13, Simpson 11, Taganas 9, Morillo 7, Canizares 6, Afable 5, Reyes 2, Zamar 0, Etrone 0, Duran 0.
Quarterscores: 22-18; 37-39; 58-58; 89-82.