MANILA, Philippines - Para kay Freddie Roach, puwede nang magretiro si Manny Pacquiao kapag nagkrus na ang kanilang landas ni Floyd Mayweather Jr.
Si Mayweather Jr. na dapat ay siyang kalaban ni Pacquiao ngayon ngunit di natuloy, ay siyang napipisil na isunod kay Clottey kapag nalusutan ng pambansang kamao ang nasabing sagupaan na gagawin ngayong umaga sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Ani ni Roach, kung mangyari ang kinasasabikang laban ay wala ng dapat pang patunayan pa si Pacquiao sa mundo ng propesyonal na boksing.
“This fight and Mayweather and be done with it,” wika ni Roach sa panayam ng Sports Illustrated.
“There are no more challenges out there. I know there are some fights, but will the general public really want to buy that?” dagdag pa ng beteranong trainer.
Aminado rin siya na mahirap sa isang boksingero na magretiro lalo na kung nasa kasikatan pa pero para rin ito sa kanyang kapakanan dahil sa maiiwan din nitong marka kung magretiro ang isang boxer na nasa tugatog pa ng tagumpay.
“People ask me, why would I want the guy that make the most money off to quit. We’ve done well with each other. I’d rather see him quit than go on after Mayweather. It’s more important to me that he has a long and healthy life when this thing is over,” paliwanag pa ni Roach.
Nakikita rin niyang gaganda pa ang buhay ni Pacquiao kung iiwan na ang mundong ito dahil sa dami ng alam na gawin maliban sa pagboboksing.
Si Pacquiao ay mahusay ding kumanta at tumatakbo rin sa pagka-Congressman na kung mananalo ay kukuha rin sa kanyang mahalagang oras. (Luz M. Constantino)