Reyes umaasa na walang magiging aberya sa paglahok ng RP cue artists sa Guangzhou Asiad
MANILA, Philippines - Umaasa si Efren “Bata” Reyes na walang magiging aberya ang gagawing paglahok ng cue artist ng bansa sa nalalapit na Asian Games sa Guangzhou, China.
Tinanggap na ni Reyes ang matagal nang iniaalok na assistant coach ng pambansang koponan sa kalalakihan at isa nga sa kanyang dalangin ay ang matiyak na makakalaro ang bubuuin nilang koponan sa Nobyembre.
Nasa balag ng alanganin pa rin ang partisipasyon ng Pilipinas sa Asian Games dahil nga sa patuloy na gusot sa liderato ng Billiards Snooker Congress of the Philippines na may dalawang paksyon na binubuo nina Arturo Ilagan at Sebastian Chua.
Si Ilagan ang kinikilala ng POC habang si Chua ang may basbas ng World Pool Association. Pero naisaayos ang problema sa SEA Games sa Laos nang payagan ng kampo nina Chua ang pagpapadala ng manlalaro ng kampo ni Ilagan.
“Sana nga ay walang maging problema. Para naman ito sa bansa natin at sana’y hindi na rin sila makialam dito,” pahayag ni Reyes sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura.
May senyales naman na walang magiging problema dahil nga sa pagkakasundo na rin ng kampo nina Ceferino Mariano at Jonathan Sy sa grupo ni Chua sa ginagawa nilang partisipasyon sa mga torneong kanilang inoorganisa.
Si Aristeo “Putch” Puyat ang manager ng grupo ni Reyes at kaalitan ng chairman ni Chua na si Yen Macabenta na nagresulta pa nga sa demandahan dala ng mga naunang problema.
Dahil maraming mahuhusay na pool players, isang tryouts ang isasagawa sa kalalakihan upang madetermina kung sino ang karapat-dapat na maglaro sa ibang events tulad ng 8-ball at 9-ball singles.
Ang iba pang gold medals sa kalalakihan ay paglalabanan sa 3-cushion carom at snooker singles at doubles habang 8-ball at 9-ball singles at snooker red ball singles at doubles naman ang nakataya sa kababaihan.
Si Reyes at Reynaldo Grandea ang tiyak nang kakatawan sa carom dahil wala nang ibang naglalaro nito habang sina Iris Ranola at Rubilen Amit ang kakampanya sa 8-ball at 9-ball singles at si Mary Ann Basas ay tiyak nang kasali sa snooker red ball. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending