Mexican League Veteran ipaparada ng barako
MANILA, Philippines - Isang beterano ng Mexican League ang ipaparada ng Barako Bull para sa darating na 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Ang 6-foot-6 na si Sam Monroe na huling naglaro para sa Potros Itson sa Mexico ay nakipag-ensayo na sa mga Energy Boosters kahapon bilang paghahanda sa PBA Fiesta Conference na sisimulan sa Marso 21 sa Araneta Coliseum.
Hangad ng Barako Bull, kinuha sina Junel Baculi at Louie Alas mula sa Philippine Patriots bilang head coach at assistant coach, ayon sa pagkakasunod, na makabangon mula sa pagiging tenth-placer sa nakaraang Fiesta Conference.
Ang San Miguel, sa likod ni Best Import Gabe Freeman, ang nagkampeon sa naturang torneo matapos talunin ang Barangay Ginebra, nagbandera kay David Noel, sa kanilang championship series.
Ang 25-anyos na si Monroe, isang physical education/sports management graduate sa Newberry, ay nagtumpok ng mga averages na 25.0 puntos, 5.4 rebounds at 2.8 assists para sa Potros Itson.
Naglaro rin si Monroe ng tatlong taon para sa Rochester RazorSharks sa Premiere Basketball League (PBL).
Kaugnay nito, pinapirma na ng Photokina franchise, susuportahan ng Harbour Centre ni Mikee Romero, ng one-year contract sina 6’4 Leo Najorda at 5’11 Jojo Duncil.
Si Najorda, naging NCAA Most Valuable Player (MVP) ng San Sebastian College, ay nagposte ng mga averages na 10.3 points at 3.9 rebounds sa nakaraang Philippine Cup na inangkin ng Purefoods Tender Juicy. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending