Pacquiao, Clottey may respeto sa isa't isa

DALLAS - Sa pagbibi­gay ng respeto sa bawat isa, inaasahang hindi kaagad magpapalitan ng suntok sina Manny Pacquiao at Joshua Clottey.

Nagbigayan ng ngiti sa isa’t isa, nagkamayan at nagyakapan na tila isang matalik na magkaibigan.

Sa kanilang huling press conference kahapon, walang nangyaring ‘trash talking’ sa pagitan nina Pac­quiao, magdedepensa ng kanyang suot na WBO welterweight crown, at Clottey.

Hinarap ang press at tumayo sa podium, pinasalamatan lahat ni Clottey para sa ibinigay na pagkakataon sa kanya na makasagupa ang kasalukuyang pound-for-pound champion na si Pacquiao.

Pinasalamatan niya si­na Bob Arum ng Top Rank, Mark Taffet ng HBO at Jerry Jones ng Dallas Cowboys. Kasunod sina Pacquiao at trainer Freddie Roach.

“I thank Freddie Roach for this opportunity because if he said no, then this fight is not going to happen,” wika ng 32-anyos na si Clottey.

“I think he’s a very good fighter and he’s the best fighter in the world. I want to see what he can do. I want to see that. But no matter what happens I will still love him and respect him,” dagdag pa ng Ghanian challenger.

Tinapos ni Clottey ang kanyang talumpati na sinuk­lian ni Pacquiao ng isang ngiti. “Good luck to Manny and good luck to me,” ani Clottey.

Wala ring narinig na ma­samang pananalita kay Pacquiao kagaya ng kanyang mga naunang laban.

“I like this fight because all along there was no trash talk. You can be a great fighter and be a good example by being a nice person. I know Joshua. I respect him because he’s a nice person,” sabi ni Pacquiao.

Ngunit sa Linggo may isang mananalo at may isang matatalo. (AC)

Show comments