MANILA, Philippines - Taliwas sa sinasabi ng nakararami, isang nirerespetong trainer ang nagpahayag na hindi dapat ikonsidera si Manny Pacquiao bilang pinakamahusay na boksingero sa panahong ito.
Si Hector Roca, ang 65-anyos na tubong Panamian na trainer na hinawakan ang careers ng mga kilalang champions tulad nina Buddy McGrit, Arturo Gatti at Iran Barkley ang nagsabi na natapat lamang si Pacquiao sa panahong walang nakasabay na mahuhusay na boksingero.
“Many say that Manny Pacquiao is the best today but I’m not sure. He is what we call at the right moment,” wika ni Roca nang nakapanayam ng Doghouseboxing.com.
Aniya, ang telebisyon ang nagpasikat kay Pacquiao at hindi dahil sa nakalaban niya ang mga mabibigat na boksingero sa kanyang kapanahunan kaya’t hindi niya ito maikokonsiderang pinakamahusay sa kanyang kapanahunan.
“He’s not a good fighter but a celebrity fighter,” banat pa ni Roca . “He was a good featherweight and moved up and has fought easy fights, now he is fighting easy welterweight fighters and that will make him millions because television made him famous.”
Marami ang tiyak na ‘di sasang-ayon sa pahayag na ito ng batikang trainer lalo nga’t ang huling dalawang laban ni Pacquiao ay laban sa matitikas sa kanilang dibisyon na sina Ricky Hatton at Miguel Cotto na pareho ngang natulog sa kamao ni Pacman.
Laban kay Joshua Clottey, aminado si Roca na magandang laban ito at nakikita niya na masusukat ng tunay si Pacquiao sa kanyang katatagan na tumanggap ng mga malalakas na suntok buhat sa lehitimong 147-pound fighters.
Ang laban sa Linggo (Sabado sa US ) sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas ay unang pagdepensa ni Pacquiao sa titulong inagaw kay Cotto.
“That’s not an easy fight for Pacquiao like so many think. Clottey is not easy, he has power and he is very strong, Pacquiao has to be real careful and not leave himself open for an easy punch from Clottey,” may paalalang pahayag pa ni Roca. (Angeline Tan)