MANILA, Philippines - Sinamantala ni Tomas Martinez ang pagkagamay nito sa rutang ginamit para mapagharian ang Stage 5 ng 2010 Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) Tour of Luzon kahapon sa San Jose, Tarlac.
Nagtapos ang karera sa Tarlac Monastery at si Martinez ng Smart ay nakapagtala ng tatlong oras, anim na minuto at 11.61 segundo para madomina ang karerang sinimulan sa Clark, Pampanga at may kabuuang 145-kilometro distansya.
“Matagal na akong nagsasanay sa mga bundok na ito kaya alam ko ang daanan. Mahirap dito pero nasanay na din ako,’ wika ni Martinez.
Pumangalawa ang EMG Cycling team member na si Denis Von Nickalk na kinapos ng 12.43 segundo kay Martinez habang si Arnel Quirimit ng Liquigaz (50.18), Kelly Benefit ng Reid Mumford (1:02.78), Cris Joven (1:27.3) at Tots Odedan (1:33.27) ng American Vinyl at Daniel Asto (1:33.27) at Alfredo Asuncion (1:38.33) ng Batang Tagaytay ang kumumpleto sa unang 10 puwesto.
Ang magandang pagtatapos ni Mumford ay nakatulong naman upang masikwat niya ang overall lead mula kay Ryan Anderson ng Kelly Benefits sa pakarerang handog ng LPGMA, Liquigaz, GeoEstate Beacon, Burlington, Energizer at Schick sa nakuha ng siyam na oras, dalawang minuto at 44.53 segundo.
Si David Veilleux ng Kelly Benefits ang nasa ikalawang puwesto ngayon kapos ng 9.54 segundo habang si Nickalk ang umangat sa ikatlong puwesto (19.37). Si Santy Barnachea ay umakyat din sa pang-apat na puwesto (2:05.02).