Mayol payag sa rematch kay Romero

MANILA, Philippines - Kung si Filipino world light flyweight champion Rodel “Batang Mandaue” Mayol ang tatanungin, mas gusto niyang matapos ang kanilang laban ni Mexican challenger Omar Nino Romero mula sa isang knockout.

Payag si Mayol na mu­ling makaharap si Romero sa pamamagitan ng rematch matapos mauwi sa technical draw ang kani­lang upakan noong Linggo sa Coliseo Olimpico sa Gua­dalajara, Mexico.

“I want a rematch. I feel I could knock him out next time,” ani Mayol sa pa­nayam ng Philboxing kahapon. “His punches are not that strong. I did not feel his power at all. I wanted to tire him out then try to KO him in the later rounds.”

Sa pag-awat ni referee Vic Draculich dahil sa ilang low blows ni Romero kay Mayol, isang left hook pa rin ang pinakawalan ng Mexican na nagpabagsak sa Filipino champion.

“I was in a lot of pain. I heard the referee shout, “Stop!” I faced sideways to avoid his punches. The referee wasn’t able to stop him when he delivered the left hook that hit me,” litanya ni Mayol.

Itinuring ni WBC vice president Mauricio Sulaiman na isang technical draw ang nasabing laban na nagpanatili sa pagsu­suot ni Mayol ng World Boxing Council (WBC) light flyweight crown.

Sinabi naman ng ma­nager ni Romero na si Hec­tor Garcia na umarte la­mang si Mayol upang ma­panatiling suot ang kanyang WBC light flyweight belt.  

Kasalukuyang dala ng 28-anyos na si Mayol ang kanyang 26-4-2 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 20 KOs kum­para sa 28-3-2 (11 KOs) card ng 33-anyos na si Romero. (RCadayona)

Show comments