MANILA, Philippines - Isang Lithuanian national ang kukuning coach ng Philippine Rowing Association (PRA) para sa kanilang paghahanda sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Ang 40-anyos na si Rolandas Kazlauskas ng Lithuania ay nakatakdang dumating sa bansa sa Abril para simulan ang pagsasanay ng mga local rowers.
“He’s a good motivator and coach. We wanted him to focus mainly on training specific athletes for our Asian Games bid,” wika ni PRA president Benjie Ramos sa Lithuanian mentor kahapon sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Malate, Manila.
Ito ang ikatlong pagkakataon na gagabayan ni Kazlauskas ang mga Filipino rowers matapos noong 1998 hanggang 2001 at noong 2007.
Tatlo lamang kina Olympian Benjie Tolentino, Joe Rodriguez, Alvin Amposta, Nestor Cordova at rookie Roque Abala ang kakatawan sa bansa para sa 2010 Guangzhou Asiad, dagdag ni Ramos.
Samantala, ang koponang nagkampeon naman sa nakaraang 2009 World Dragon Boat championships ang lalahok sa nasabing quadrennial event.
Ang naturang tropa ang nagwagi sa 2009 Dragon Boat championships na idinaos sa Prague, Czechoslovakia. (RC)