Cobra, Cossack mag-aagawan sa solong liderato
MANILA, Philippines - Kung may sister teams na San Miguel at Barangay Ginebra sa professional league, mayroon namang Cobra Energy Drink at Cossack Blue sa amateur ranks.
Nakatakdang pag-agawan ng Ironmen at ng Spirits ang liderato sa kanilang banggaan ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Pharex B Fighting Maroons at Ascof Lagundi Cough Busters sa alas-4 sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kasalukuyang magkasalo sa unahan ang Cobra, Cossack at Excelroof mula sa magkakatulad nilang 2-0 kartada kasunod ang Pharex B Complex (2-1), AddMix (1-2), Ascof Lagundi (1-2), Agri-FCA (0-2) at Fern-C (0-3).
Kagaya ng Ironmen at Spirits ng Asia Brewery, pagmamay-ari naman ng Pascual Laboratories ang Fighting Maroons at Cough Busters.
Muling babanderahan nina Paul Lee, Jai Reyes, Patrick Cabahug at Parri Llagas ang Cobra katapat sina Jorel Canizares at Earn Saguindel, pawang mga dating Red Warriors ng University of the East, ng Cossack.
Nagposte ang six-footer na si Lee ng average na 24.0 puntos sa panalo ng Ironmen sa Transformers at Fighting Maroons.
“In my book, he’s pound-for-pound the best amateur player in the country right now,” wika ni Cobra coach Lawrence Chongson kay Lee. “As compared to last season, he has become a lot wiser in so many aspects of his game. He’s simply a gem of a player.”
Sina Canizares at Saguindel naman ang nagbigay sa Spirits ng 88-87 panalo kontra Cough Busters noong Martes.
Sa ikalawang laro, hangad naman ng Ascof Lagundi na masundan ang kanilang 80-76 tagumpay sa AddMix noong Huwebes sa pakikipagtagpo sa Pharex B na umiskor ng 85-77 panalo sa Fern-C.
Pamumunuan nina Bam Bam Gamalinda, Sean Co at JR Gerilla ang Cough Busters ni Carlo Tan katapat sina Woody Co, Vic Manuel, Marlon Adolfo at Arvin Braganza ng Fighting Maroons ni Aboy Castro. (RC)
- Latest
- Trending