MANILA, Philippines - Wala nang makakapigil sa National Capital Region.
Kumolekta ang mga pambato ng NCR ng 85 gold, 30 silver at 21 bronze medals upang pangunahan ang kompetisyon sa 2010 CHED National Games kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Sa nasabing 85 gintong medalya, 55 rito ay nilangoy ng mga NCR tankers sa swimming event mula sa 7-of-7 gold medal harvest ni Marie Claire Adorna anim na gold medals kay Carla Grabador ng University of the Philippines.
Nasa ilalim ng NCR ang Region 7 (17-12-16), Region 4-A (15-30-31) at Region 6 (14-31-30).
Umagaw naman ng eksena sa Rizal Memorial Track Oval ang tubong Jolo, Sulu na si Serenata Saluan ng University of Sto. Tomas matapos itakbo ang kanyang pang apat na gintong medalya.
Idinagdag ng 17-anyos na UST physical education freshman na si Saluan sa nauna niyang pinagreynahang women’s 800, 1,500 at 3,000-meter ang 4X400-meter women’s relay event.
Iginiya ni Saluan ang NCR 4X400m relay event team sa tiyempong 03:51.06
Mula sa pagtatala niya ng bagong rekord sa women’s 800 at 1,500m run, tumanggap si Saluan ng cash incentive na kabuuang P40,000 mula kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping.
Sa kabuuan, sumikwat ang mga NCR bets ng 31 golds, 11 rito ay sa men’s at 20 naman sa women’s event, ng athletics competition.
Mula sa swimming pool at track oval, sumipa naman ng 11 sa kabuuang 18 gintong medalyang nakalatag ang mga NCR taekwondo jins.
Ang Region 11 (Davao) ang siya namang sumuntok ng apat sa walong gold medals sa boxing event.
Ang mga ito ay sina Mark Antonio Barriga, pamangkin ni dating national boxer Joel Barriga, lightweight Alfredo Deano, lighwelterweight Jay-Ar Inson at welterweight Jefferson Nunez. (Russell Cadayona)