Sonsona nakuha na ang magandang kundisyon

MANILA, Philippines - Nasa maganda nang kondisyon si dating world super flyweight champion ‘Marvelous’ Marvin Son­sona apat na araw bago ang kanilang salpukan ni Wilfredo Vasquez, Jr. ng Puerto Rico.

Ito ang pahayag kahapon ni Filipino promoter Sammy Gello-ani sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ sa DZSR Sports Radio mula sa Puerto Rico.

“So far maganda ang physical condition ni Marvin. In fact after nu’ng training kanina (kahapon) he is already at 124 (pounds),” ani Gello-ani.

Nakatakdang pag-agawan nina Sonsona at Vasquez ang bakanteng (WBO) super bantamweight title sa Pebrero 27 sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.

Umiskor si Sonsona ng isang unanimous decision win kay Jose “Carita” Lopez para agawin sa Puerto Rican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown noong Setyembre 5 sa Ontario, Canada.

Ngunit dahil sa kanyang pagiging overweight, tinanggalan ng WBO ng super flyweight title si Sonsona bago ang kanya sanang title defense kay Mexican Alejandro Hernandez noong Nob­yem­bre 20. (Russell Cadayona)

Show comments