MANILA, Philippines - Kung si Jay-R Taganas ang nagbida sa kanilang debut game, si Jorel Cañizares naman ang namayani para sa ikalawang sunod na panalo ng Cossack Spirits.
Isinalpak ng dating Red Warrior ng University of the East ang isang three-point shot sa natitirang 5.1 segundo upang gabayan ang Cossack Blue sa 88-87 paglusot sa Ascof Lagundi sa elimination round ng 2010 PBL PG Flex-Erase Placenta Cup kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ito ang ikalawang dikit na ratsada ng Cossack Spirits ni coach Rene Baena matapos igupo ang Fern-C, 81-77, noong nakaraang Huwebes.
Ang tumalbog na jump shot ni Von Lanete sa posesyon ng Cough Busters ang nagresulta sa rebound ni Taganas kasunod ang pasa kay Canizares para sa winning 3-pointer nito sa huling 5.1 segundo.
Tuluyan nang nalasap ng Ascof Lagundi ni Carlo Tan ang kanilang pangalawang sunod na kabiguan nang tumira ng kapos si Bam Gamalinda sa pagtunog ng final buzzer.
Katabla ngayon ng Cossack Spirits para sa liderato mula sa magkakatulad nilang 2-0 rekord ang Cobra Ironmen at Excelroof 25ers.
Humugot si Cañizares ng 11 sa kanyang game-high 22 puntos sa fourth quarter para pangunahan ang Cossack kasunod ang 20 ni Earn Saguindel. (RC)
Cossack Blue 88 - Cañizares 22, Saguindel 20, Martinez 18, Reyes 11, Afable 10, Duran 3, Taganas 2, Zamar 2, Flores 0, Morillo 0.
Ascof Lagundi 87 - Gamalinda 19, Gerilla 19, Lanete 11, Aguilar 10, Bauzon 7, Labagala 6, Melegrito 5, Canlas 3, Mazo 3, Co 2, Buyloan 2.
Quarterscores: 24-19; 37-41; 66-65; 88-87.