Si Casimiro naman ang susubok kay Calderon

MANILA, Philippines - Matapos si Rodel “Batang Mandaue” Mayol, si Johnreil “Quadro Alas” Casimiro naman ang su­subok na hubaran ng ti­tu­lo si world light flyweight champion Ivan “Iron Boy” Cal­deron.

Sa ulat ng BoxingSce­ne.com, ipinag-utos ng World Boxing Organization (WBO) sa kampo ni Calderon na idepensa nito ang suot na korona laban kay Casimiro.

Ito ay matapos na ring maagawan si Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ng kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt ni Carlos Tamara ng Colombia via 12th-round TKO no­ong Enero 23 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Isang unification fight sana ang binabalak ng mga kampo nina Calderon at Viloria bago nawalan ng titulo ang Fil-American fighter.

Ipinag-utos na ng WBO sa grupo nina Calderon, nagbabandera ng 33-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 6 KOs, at Ca­simiro (14-0-0, 8 KOs) na si­mulan ang negosasyon para sa nasabing cham­pionship fight.

Ang 19-anyos na si Ca­simiro ang umangkin sa WBO interim light flyweight belt mula sa kanyang 11th-round TKO kay Cesar Canchila ng Colombia noong Disyembre 19.

Bago ang WBO interim title, kinuha na rin ni Casimi­ro ang bakanteng WBO Asia-Pacific light flyweight crown via 5th-round TKO kay Liempetch Sor Vera­apol ng Thailand noong Oktubre 3, 2008.

Dalawang beses na­­mang natakasan ng 35-anyos na si Calderon ang 28-anyos na si Mayol noong nakaraang taon.

Isang second-round TKO naman ang inilista ni Mayol laban kay Edgar Sosa para agawin sa Me­xican ang hawak nitong World Boxing Council (WBC) light flyweight belt. (Russell Cadayona)

Show comments