MOSCOW, Russia--Gumawa ng kasaysayan si Filipino Grand Master Wesley So matapos sikwatin ang top junior award sa ikalawang sunod na pagkakataon sa 2010 Aeroflot Open chess championships dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailovo Tourist Complex.
Tumabla ang 16-anyos na si So sa seventh hanggang 19th places mula sa kanyang 5.5 points.
Ito ay sa likod ng kanyang tatlong panalo, limang draw at isang talo sa nine-round tournament para tumapos sa 11th place makaraan siyang tumabla sa 19th hanggang 36th places noong nakaraang taon sa likod ng kanyang 5.0 points.
Upang ganap na maangkin ang top junior award, inungusan ni So sina GMs Sanan Sjugirov ng Russia at Eltaj Safarli ng Azerbaijan.
Ang dalawa ay nagposte ng magkatulad na 4.5 points kasunod ang 3.0 points ni GM Saleh Salem ng United Arab Emirates.
Tinalo na rin ng tubong Bacoor, Cavite-based sina Safarli at Sjugirov para sa naturang karangalan noong 2009.
Sa kanyang huling laban, nakipag-draw si So kay GM Eduardo Iturrizaga ng Venezuela sa final round matapos lamang ang 10 moves ng Queen’s Gambit Accepted.
Naibulsa ni So, tinanghal na 2009 Chess Player of the Year ng Philippine Sportswriters Association (PSA), ang premyong 2,500 euros.
Tinanghal namang solo champion si GM Le Quang Liem ng Vietnam matapos talunin ang dating kampeong si GM Ian Nepomniattchi ng Russia matapos ang 60 moves ng English opening.