MOSCOW, Russia - Isa na namang draw ang naging resulta ng laro ni Filipino Grand Master Wesley So laban kay GM Zhou Jianchao ng China sa eighth round ng 2010 Aeroflot Open chess tournament kahapon dito sa Izmailovo Gamma-Delta Hotel.
Nagkasundo sina So at Jianchao na paghatian ang puntos matapos ang 34 moves ng King’s Indian defense.
May 5 points ngayon ang high school student ng St. Francis College-Cavite mula sa kanyang tatlong panalo, apat na draw at isang kabiguan sa ilalim ng 6 points nina GMs Le Quang Liem at Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam at 5.5 points nina GM Ian Nepomnichtchi ng Russia, GM Anton Korobov ng Ukraine at GM Boris Grachev ng Russia.
Tumabla ang 16-anyos na si So sa 17th hanggang 36th places para palakasin ang kanyang tsansa na makuha ang top junior award.
Inungusan ni So sina GM Eltaj Safarli ng Azerbaijan at GM Sanan Sjugirov ng Russia para sa naturang parangal noong nakaraang taon.
Makakasagupa ni So sa ninth round si GM Eduardo Iturrizaga ng Venezuela. Si Iturrizaga, may ranggong 37 mula sa kanyang ELO rating na 2616, ang tumalo kay 2009 co-champion GM Alexander Moiseenko ng Ukraine sa eighth round para sa kanyang 4-2-2 win-draw-loss record.
Tuluyan namang tumigil sa torneo si Filipino GM Darwin Laylo matapos matalo sa anim sa kanyang pitong laro.
Samantala, umaasa naman si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president/chairman Prospero ‘Butch’ Pichay na maiuuwi ni So ang top junior trophy na gaya ng kanyang ginawa noong nakaraang taon.
“It’s almost in the bag for Wesley. He needs only a draw in his last-round match to clinch the award for the second straight year,” ani Pichay.
Naging araw naman ng mga Vietnamese players na sina Le at Nguyen ang eight round.
Pinataob ni Le ang dating co-leader na si GM Boris Savchenko ng Russia, habang niyanig naman ni Nguyen si GM Evgeniy Najer ng Russia upang agawin ang pakikisalo sa unahan taglay ang anim na puntos.
Sa iba pang laro, pinisak ni Korobov si GM Arkadij Naiditsch ng Germany habang nagkasundo naman sa draw sina Nepomniachtchi at Grachev at magsalo mula ikatlo hanggang ikalimang posisyon taglay ang 5.5 puntos.