MANILA, Philippines - Isang araw matapos dumating sa Puerto Rico ay agad na sumabak sa pag-eensayo si dating Filipino world super flyweight champion ‘Marvelous’ Marvin Sonsona.
“I’ve already done multiple sessions of 12 rounds without any problems,” wika ng 19-anyos na si Sonsona. “I’ve arrived to Puerto Rico extremely fit and ready for this fight.”
Muling ginagabayan ni Filipino trainer Nonito “Mang Dodong” Donaire, Sr. ang tubong General Santos City.
Si Donaire, ama ni world flyweight at interim super flyweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr., ang gumiya kay Sonsona sa unanimous decision win kay Jose “Carita” Lopez para agawin sa Puerto Rican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) super flyweight title noong Setyembre 5 sa Ontario, Canada.
Dahil sa pagiging overweight, tinanggalan ng WBO ng korona si Sonsona bago ang kanya sanang title defense kay Mexican Alejandro Hernandez noong Nobyembre 20.
Nakatakdang pag-agawan nina Sonsona at Wilfredo Vasquez, Jr. ng Puerto Rico ang bakanteng WBO super bantamweight belt sa Pebrero 27 sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.
Tangan ni Sonsona ang kanyang 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang bitbit ng 22-anyos na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.
Ang naturang WBO super bantamweight title ay binitawan ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico para agawin ang suot na WBO featherweight crown ni Steven Luevano kamakailan.
Ang ama ni Vasquez na si Wilfredo Vasquez, Sr. ay nagkampeon sa bantamweight at super bantamweight at nagtala ng 56-9-1 (41 KOs) card sa kanyang kapanahunan noong 1980’s at 1990’s. (Russell Cadayona)