Gorres balik Pinas na kahapon
MANILA, Philippines - Nakasakay sa kanyang wheelchair katulong ang kanyang asawang si Datches, dumating na kahapon ng madaling-araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 si Filipino super flyweight Z “The Dream” Gorres mula sa United States.
Ito ang unang pagkakataon na makakasama na ni Gorres, isinilang na Zeta Celestino Oliveros Gorres, ang kanyang mga anak sa Cebu City.
Halata pa ang epekto ng brain surgery kay Gorres na pumayat at pautal-utal ang pananalita.
“Nagpapasalamat po ako sa mga taong sumuporta sa akin lalung-lalo na ang mga Pilipinong nagdarasal, ‘di lang dito sa Pilipinas at doon sa Vegas,” sabi ng 27-anyos na si Gorres sa Umagang Kay Ganda sa ABS-CBN.
Sina Gorres at Datches, kasama si US-based Filipino Dr. Benito Calderon, ay sakay ng PAL Flight 107 mula sa McCarran International Airport sa Las Vegas, Nevada.
Sumailalim si Gorres sa isang brain surgery sa University Medical Center sa Nevada ilang oras matapos ang kanyang unanimous decision win laban kay Luis Melendrez ng Colombia noong Nobyembre 13 sa Mandalay Bay House of Blues sa Las Vegas, Nevada.
Kumulapso si Gorres ilang minuto matapos ihayag ang kanyang panalo kasunod ang agarang pagdadala sa kanya sa ospital para tanggalin ang namuong dugo sa kanyang utak.
Sa nakaraang “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada, inihayag ni People’s champion Manny Pacquiao ang paggamit niya ng kanyang foundation para matulungan si Gorres at ang pamilya nito. (RC)
- Latest
- Trending