MANILA, Philippines - Dumating na kahapon si dating world super flyweight champion ‘Marvelous’ Marvin Sonsona sa Puerto Rico para sa kanyang laban kay Wilfredo Vasquez, Jr.
Nakatakdang pag-agawan nina Sonsona at Vasquez ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown sa Pebrero 27 sa Coliseo Rubén Rodríguez sa Bayamón, Puerto Rico.
Dadalhin ng 19-anyos na si Sonsona ang kanyang 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang taglay ng 22-anyos na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.
Ang nasabing WBO super bantamweight title ay binakante ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico para agawin ang hawak na WBO featherweight belt ni Steven Luevano kamakailan.
Matatandaang nahubaran ang tubong General Santos City ng suot nitong WBO super flyweight crown nang hindi makapasa sa weigh-in bago ang kanilang laban ni Alejandro Hernandez noong Nobyembre 20 sa Ontario, Canada.
Ang nasabing WBO super flyweight title ay inagaw ni Sonsona kay Puerto Rican Jose “Carita” Lopez via unanimous decision noong Setyembre 5 sa Ontario, Canada.
Ang mayamang tradisyon naman ng ama ni Vasquez na si Wilfredo, Sr. ang siya nitong pinangangalagaan.
Si Vasquez, Sr. ay nagkampeon sa bantamweight at super bantamweight at nagposte ng matayog na 56-9-1 (41 KOs) card sa kanyang kapanahunan noong 1980’s at 1990’s. (RUSSELL CADAYONA)