Gorres balik Pinas bibigyan na lang ni Aldeguer ng trabaho
MANILA, Philippines - Matapos ang halos apat na buwan, nakatakda nang dumating sa bansa si Fiilipino super flyweight Z “The Dream” Gorres mula sa United States.
Inihatid ng ilang kaibigan, sumakay ang 27-anyos na si Gorres, kasama ng asawang si Datches, sa PAL Flight 107 sa McCarran International Airport sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang unang pagkakataon na uuwi sa bansa si Gorres matapos ang isang brain surgery sa University Medical Center sa Nevada ilang oras matapos ang kanyang panalo kay Colombian Luis Melendrez noong Nobyembre 13 sa Mandalay Bay House of Blues sa Las Vegas, Nevada.
Ilang minuto matapos ihayag ang kanyang panalo kay Melendrez, biglang nabuwal si Gorres at kaagad na dinala sa ospital kung saan siya sumailalim sa isang brain surgery para tanggalin ang namuong dugo sa kanyang utak.
Para sa kanyang rehabilitasyon, pansamantalang nanuluyan sina Gorres at Datches sa tahanan nina Richard Legaspi at Yora Velasco sa Los Angeles, California.
Mula sa Maynila, bibiyahe ang mag-asawa sa kanilang tahanan sa Mandaue, Cebu City kung saan sila sasalubungin ni Cebuano boxing patron Tony Aldeguer ng ALA Boxing Promotions.
Nangako si Aldeguer na bibigyan niya ng permanenteng trabaho si Gorres sa kanyang opisina.
At dahil na rin sa kanyang kondisyon, sinabi ni Aldeguer na hindi na tatapak si Gorres, may 31-2-2 win-loss-draw ring record kasama ng 17 KOs, sa boxing ring.
Sa katatapos na “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Las Vegas Hilton, inihayag ni Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao ang kanyang fund-raising dinner para kay Gorres. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending