Pacquiao nasa tamang kundisyon na
MANILA, Philippines - Halos isang buwan bago ang kanyang title defense kay Joshua Clottey ng Ghana ay nasa tamang kondisyon na si Filipino boxing icon Manny Pacquiao.
Sa kanyang panonood sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” kahapon sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada, sinabi ng 31-anyos na si Pacquiao na Enero pa lamang ay sinimulan na nila ni trainer Freddie Roach ang pag-eensayo sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Ito ay matapos na ring talunin ni Pac-quiao si Miguel Cotto via 12th-round TKO para agawin sa Puerto Rican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) welterweight belt noong Nobyembre 14 sa MGM Grand sa Las Vegas.
“Iyong katawan ko at ‘yung kondisyon ko tama na kasi hindi ako masyadong matagal nagpahinga,” ani Pacquiao sa isang panayam. “After nu’ng fight ko kay Cotto last November nag-ensayo na ako nu’ng January.”
Itataya ng 31-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban sa 32-anyos na si Clottey sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Kagaya ni Pacquiao, nasa maigting na ring pagsasanay si Clottey, natalo kay Cotto noong Hunyo via split decision sa Madison Square Garden sa New York City.
“Joshua and the team have been in Hollywood-Ft. Lauderdale for two weeks now and the camp is going very good,” wika ni Vinny Scolpino, manager ni Clottey.
Ibinabandera ni “Pacman” ang kanyang 50-3-2 win-loss-draw ring record at 38 KOs, habang taglay ni Clottey ang 35-3-0 (20 KOs) slate. (RCadayona)
- Latest
- Trending