DALLAS-- Bago ang laro, sinabi ni DeJuan Blair ng San Antonio na kakalawitin niya ang lahat ng makukuha niyang rebound.
Humakot si Blair ng rekord na 23 rebounds at umiskor ng 22 points para sa 140-128 panalo ng mga rookies sa sophomores sa NBA Rookie Challenge kahapon dito.
“He started getting the rebounds for us. He did what he said he was going to do,” wika ni Tyreke Evans ng Sacramento kay Blair. “That’s why I wanted to share the (MVP) trophy with him.”
Tumipa naman si Evans ng 26 marka upang tanghaling Most Valuable Player.
Umiskor si Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder ng 40 points para sa mga sophomores.
Ang mga sophomores ang nanalo sa pito sa walong sunod na Rookie Challenge matapos itong ilunsad noong 2000.
“We got our butts kicked in every aspect of the game,” wika ni Patrick Ewing, assistant coach ng Orlando Magic, na siyang tumayong coach ng sophomore squad.
Sa slam dunk competition, muling magpapasiklab, mapapasabak ng todo si Toronto rookie DeMar DeRozan, tinalo si Los Angeles Clippers guard Eric Gordon sa botohan matapos na makakuha ng 61 percent boto mula sa fans, sa defending champion na si Nate Robinson para sa korona.
Bukod kay Robinson, makakalaban din ni DeRozan sina Charlotte All-Star Gerald Wallace at Lakers guard Shannon Brown.