MANILA, Philippines - Isang magdedepensa ng kanyang interim title, habang tatlo naman ang magpipilit na makakuha ng title shot.
Ipagtatanggol ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ang kanyang suot na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title laban kay Mexican challenger Manuel Vargas sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” ngayon sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Ipinaparada ng 27-anyos na si Donaire ang kanyang 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ng 14 KOs, habang dala ng 28-anyos na si Vargas ang 26-4-1 (11 KOs) slate.
Sakaling manalo kay Vargas, ipinalit sa may detached retina na si Gerson Guerrero, posibleng maitakda ang kanilang rematch ni Vic “The Raging Bull” Darchinyan na may hawak ng WBA at World Boxing Council (WBC) super flyweight belts.
“I have to fight this fight first before I get those bigger names. This is where I’ve seen fighters stumble and not get their biggest fight. I try to stay focused as much as I can,” ani Donaire. “When I train, though, I get the vision of fighting those other guys and it’s hard to focus on this guy.”
Inagawan ni Donaire ang 33-anyos na si Darchinyan ng dating suot nitong International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight crowns via fifth-round TKO noong Hulyo ng 2007.
Nanggaling naman si Vargas sa pagkatalo kay World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes via split decision noong Setyembre 12.
Sa undercard, hahamunin ni Filipino challenger Ciso “Kid Terrible” Morales (14-0-0, 8 KOs) si WBO bantamweight titlist Fernando Montiel (39-2-2, 29 KOs) ng Mexico.
Ang mananalo naman sa pagitan nina Gerry “Fearless” Peñalosa (54-7-2, 36 KOs) at Puerto Rican Eric Morel (41-2-0, 21 KOs) ang siyang sasagupa sa mananaig kina Morales at Montiel para sa WBO bantamweight title.
Binitawan ng 37-anyos na si Peñalosa ang naturang WBO crown nang hamunin si WBO super bantamweight king Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico noong Abril kung san isinuko ni Freddie Roach ang laban sa tenth-round.
Sa iba pang laban, magtatagpo naman sina featherweight contenders Bernabe Concepcion (27-3-1, 15 KOs) at Mario Santiago (21-1-1, 14 KOs). Nakatakda namang harapin ni Mark Jason Melligen (16-2-0, 12 KOs) si Raymond Garcia (11-0-0, 6 KOs) sa isang non-title welterweight fight.