MANILA, Philippines - Handang-handa na si Nonito “The Filipino Flash“ Donaire, Jr. para sa kanyang unang title defense sa suot na interim super flyweight crown laban kay Mexican challenger Manuel Vargas.
“Talagang nag-ensayo ako. Lahat ng sakripisyo ginawa ko para siguradong 100% ako sa laban,” wika ni Donaire sa panayam kahapon ni ABS-CBN sports correspondent Dyan Castillejo.
Nakatakdang ipagtatanggol ni Donaire ang kanyang hawak na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title laban kay Vargas bukas sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Dahil sa pagkakaroon ng ‘detached retina’, hindi pinayagan ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) si Guerrero na hamunin si Donaire.
Ayon sa manager na si Cameron Dunkin, hindi makakaapekto kay Donaire ang biglaang pagbabago ng kalaban sa katauhan ni Vargas, tinalo ni World Boxing Organization (WBO) minimumweight king Donnie “Ahas” Nietes sa kanyang huling laban.
“He was called in as an opponent. He’s totally comfortable with this. He’s very adaptable and he’s the kind of a kid who can pretty much fight any style. The change won’t bother him a bit,” ani Dunkin.
Ibabandera ni Donaire ang kanyang 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang dala naman ni Vargas ang 26-4-1 (11 KOs) slate.
Bukod kay Donaire, lalaban din si Gerry Peñalosa na nagnanais na manalo ng world title kung tatalunin niya ang kalabang si Eric Morel.
Tampok rin sa ‘Pinoy Power 3’ sina Bernabe Concepcion, Mark Melligen at Ciso Morales na haharap kina, Mario Santiago, Raymond Gatica at Fernando Montiel, ayon sa pagkakasunod.
Ang naturang mga laban ay mapapanood bukas (Pebrero 14 sa ABS-CBN at delayed telecast naman sa Studio 23 simula alas-11:30 ng umaga. (Russell Cadayona)