MOSCOW, Russia -- Mula sa isang draw, nagsulong naman si Filipino Grand master Wesley So ng panalo laban kay GM Dmitry Bocharov (ELO 2594) ng Russia sa second round ng 2010 Aeroflot Open chess championship dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailovo Tourist Complex.
Binuksan ng 16-anyos na si So ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng isang draw kay GM Ehsan Ghaem Maghami ng Iran sa opening round.
Tinapos naman ni So ang kanyang laban kay Bocharov sa 32 moves ng Sicilian Defense Taimanov variation.
Sinamantala ni So, tinanghal na top junior player noong nakaraang taon, ang pagkakamali ng Russian sa 29th move kasunod ang kanyang tatlong sunod na ratsada.
Sa kabila ng pagkakagahol sa oras, nagawa pa rin ni So na ikilos ang kanyang queen, dalawang bishops at kingside pawns papunta sa king ni Bocharov.
Ang pag-angkin ni Bocharov sa pawn ni So sa f4 sa 29th move ang nagbigay kay So ng kontrol.
Ang naturang panalo ang nagbigay kay So ng 1.5 points para makatabla sa third hanggang 32nd places sa nasabing 80-player tournament na may guaranteed prize fund na 70,000 euro.
Nasa ilalim si So nina GM Bu Xiang Zhi ng China at GM Le Quang Liem ng Vietnam na may 2.0 points.
Natikman naman ni GM Darwin Laylo ang kanyang ikalawang sunod na kabiguan nang yumukod kay dating world junior campaigner GM Eltaj Safarli ng Azerbaijan.